P.4M iligal na kahoy nasabat

Nasabat ng operatiba ng Provincial Environment and Natural Resources Office-Cagayan (PENRO-Cag) ang mahigit 7,000 board feet ng kontrabandong kahoy sa bayan ng PeƱablanca, Cagayan noong Martes.

Ayon kay PENRO-Cag provincial director Atty. Ismael Manaligod, nagpapatrulya ang kanilang forest protection officer kasama ang mga kapulisan nang matunton nila ang mga common hardwood sa isang bakanteng lote sa Barangay Mangga sa naturang bayan.

Sinabi ni Manaligod, tinakpan ng tolda at nilagyan ng damo ang kahoy para hindi agad mapansin.

Aniya, umaabot sa halagang P300,000 hanggang P400,000 ang mga nasabat na kahoy.

Ayon sa opisyal, pahirapan ang signal sa lugar kaya walang nagpapaabot ng impormasyon sa kanilang hanay para ipagbigay alam ang illegal na gawain sa nasabing lugar.

Kaugnay nito, iniimbestigahan na ang may-ari ng lote kung saan natagpuan ang mga kahoy.

Naniniwala si Manaligod na patuloy ang ginagawang pagputol ng mga mamamayan ng kahoy dahil mabilis itong pagkakitaan. (Allan Bergonia)