Isinumite na ‘for resolution’ ng state prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang ‘preliminary investigation’ (PI) kaugnay sa kasong murder at frustrated murder na sinampa sa sinibak na Philippine Army reservist na si Vhon Tanto.
Ipinasiya nina DOJ State Prosecutor Robert Ong Jr. at Asst. Prosecutor Jeanette Dacpanon na ‘submitted for resolution’ na ang kaso matapos na tumanggi si Tanto na maghain pa ng kanyang kontra salaysay.
Murder ang isinampa laban kay Tanto dahil sa ginawa nitong pagpatay sa biktimang si Mark Vincent Geraldo at frustrated murder dahil sa malubhang pagkakasugat sa estudyanteng si Rocell Bondoc.
Tumayong abogado ng pamilya Geralde si Public Attorney’s Office (PAO) chief Atty. Persida Acosta habang si Atty. Trixie Angeles naman ang legal counsel ni Tanto.
Dakong alas-dos ng hapon kahapon isinagawa ang preliminary investigation pagkatapos ay ibinalik si Tanto sa kanyang selda sa Integrated Jail ng Manila Police District.
Samantala, nagbigay ng pinansiyal na tulong si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II sa pamilya Geralde.
Nabatid na personal na iniabot ni Aguirre kahapon ang P20,000 cash at P5,000 halaga ng tseke kay Malou Geralde, ina ni Mark Vincent. Tatanggap din umano ng kaparehong halaga si Rocell, ang estudyanteng tinamaan ng ligaw na bala sa insidente at nagpapagaling sa Mary Chiles Hospital.
Galing umano ito sa pinagsama-samang ambag mula sa personal na pondo ni Aguirre, ng kanyang mga kasamahan sa Lex Taliones fraternity at mula sa ilang empleyado ng DOJ.