P1.3B pekeng yosi silat, 185 laborer naisalba

ARESTADO ang isang Korean national at kasama nitong Pinoy matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Naguillian Police Station (NPS) ang isang pagawaan ng mga hinihinalang pekeng sigarilyo sa Barangay Palattao, Naguillian, Isabela noong Huwebes.

Kinilala ng Naguillian Police Station ang mga suspek na sina Zou Wu, isang Korean national, 44, negosyante, ng Batal, Santiago City, sa nasabing lalawigan at Roger Aparilla, 40, may asawa, ng Barangay 24-A, Cagayan de Oro, Misamis Oriental.

Kaugnay nito, lumabas naman sa ulat ng Bureau of Customs (BOC) noong Biyernes na tinatayang aabot sa P1.3 bilyong pisong halaga ng pekeng sigarilyo ang nakumpiska ng operatiba sa ilalim ng Enforcement and Security Service (BOC-ESS).

Samantala, ayon sa NPS, nakita rin sa isinagawang pagsalakay ng mga otoridad ang 185 na manggagawa ng nasabing warehouse at tumambad sa kanila ang sako-sakong mga sigarilyo at mga chemical at machines sa paggawa ng nasabing yosi.

Sa Inisyal na report ng NPS, ang mga trabahador ng nasabing warehouse ay galing pa sa Mindanao na dinala sa lalawigan ng Isabela upang magtrabaho at pinapasahod sila ng P10,000 kada buwan.

Napag-alaman na nag-ugat ang pagsalakay ng IPPO at NPS sa nasabing lugar matapos parahin ng mga kasapi ng NPS sa isang checkpoint ang isang wingvan truck.

Hanggang sa nagsagawa ng inspeksyon ng mga otoridad sa loob ng truck na sa unang tingin ay naglalaman lamang ng mga ipa ng palay ngunit nang maiging sinuri ang laman ng truck, natuklasan ang mahigit 600 na sako ng ibat ibang klase ng sigarilyo na natabunan ng mga ipa.

Walang naipakitang kaukulang dokumento ang truck driver na si Roger Aparilla, 40, may asawa, ng Barangay 24-A, Cagayan de Oro, Misamis Oriental at Xlu Zou Wu, isang Korean national, 44, negosyante, ng Batal, Santiago City, sa nasabing lalawigam.

Sa imbestigasyon, nalaman ng mga operatiba kung saan galing ang mga pekeng sigarilyo kaya’t sinalakay nila ang nasabing warehouse at pagawaan sa Barangay Palattao, Naguillan.

Binitbit ng mga police ang dalawang suspek at ng mga trabahadon at patuloy ang ginagawang follow-up operation ang mga opetatiba hinggil sa insidente. (Allan Bergonia/Mina Aquino)