Umaabot sa P1.3 milyong halaga ng shabu ang nasamsam at apat na drug pusher ang nasakote ng mga pulis sa ikinasang anti-illegal drug operation sa Barangay Malinao, Pasig City Biyernes nang gabi.

Base sa ulat na nakalap mula sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) director Police Brig. Gen. Johnson Almazan, nakilala ang mga suspek na sina Mario Bien y Basilonia, 51; Renesar Bernardo y Baldosa, 26; Erwin Cruz y Buendia, 27; at Sigwald Perolina y Magallanes, 33, pawang nakatira sa Pasig City.

Ayon kay Police Col. Moises Vilaceran, hepe ng Pasig City Police Station, ikinasa ang buy-bust operation bandang alas-9:15 nang gabi sa parking lot ng isang fast food sa naturang barangay matapos magpositibo ang isang linggong pagmamatyag ng mga awtoridad sa iligal na gawain ng suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong transparent plastic pack na naglalaman ng shabu na umaabot sa halagang P1.3 milyon, isang Toyota Innova na may plakang VDH 511 at mga drug paraphernalia.

Nakakulong na ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)