Tuluyan nang makakalaya si dating Sen. Jinggoy Estrada matapos itong payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa ng halagang P1.3 milyon sa kasong plunder.
Sa report ng CNN Philippines kagabi, sinabi ni Atty. Alexis Abastillas, spokesman ni Estrada, na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng ruling subalit kinumpirma nito na pinayagan na ng Sandiganbayan Fifth Division na makapagpiyansa ang dating senador.
“Wala pang natatanggap na order. But if ever there is an order granting bail, bukas (ngayong araw) na magpo-post (ng bail),” pahayag ni Abastillas sa nasabing panayam.
Unang umugong kamakalawa na pinayagan ng Special Division si Estrada na makapagpiyansa na tila pinatotohanan ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., sa ambush interview sa Sandiganbayan noong Huwebes.
Subalit, ayon sa isang impormante, nakuha na umano ng kampo ni Estrada ang kopya ng 15-pahinang ruling kung saan pinapayagan itong magpiyansa ng P1 milyon para sa kasong plunder at P330,000 sa mga kasong katiwalian o graft and corruption cases.
Si Estrada ay inakusahang nakakuha ng P183 milyong komisyon sa kanyang pork barrel na idinaan umano sa mga non-government organizations (NGOs) ni Janet Lim-Napoles na kabilang din sa mga kinasuhan ng plunder.
Ito ang ikalawang hirit ni Estrada sa anti-graft court na payagan siyang makapagpiyansa at sa pagkakataong ito ay kinatigan ito sa botong 3-2 mula 5-man special division na duminig sa kanyang pangalawang bail petition.
Kabilang sa tatlong mahistrado na bumoto para makapagpiyansa si Estrada para sa kanyang pansamantalang kalayaan sina Associate Justices Lorifel Pahimna, Reynaldo Cruz at Maria Theresa V. Mendoza-Arcega habang kumontra naman sina Associate Justices Rafael Lagos at Zaldy Trespeses.
“Humanitarian” umano ang dahilan kung bakit pinayagan ng tatlong nabanggit na mahistrado na makapagpiyansa si Estrada para sa kanyang pansamantalang kalayaan.