P1.5M marijuana nabuking sa Innova

Tatlong lalaki ang nahulihan ng P1.5 milyong halaga ng mga marijuana sa loob ng kanilang sasakyan sa La Trinidad, Benguet noong Sabado.

Kinilala ng La Trinidad Police Station (LTPS) ang driver ng sasakyan na isang puting Toyota Innova na si Miller Paing, 28, at ang mga sakay nito na sina Moises Tapi-ic Calayon, 36, at Disley Anghel, 30.

Ayon kay Police Maj. Roldan Cabatan, hepe ng pulisya sa La Trinidad, nagpapatrulya ang kanyang mga tauhan sa diversion road ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center sa bayan ng Betag nang makita ng mga ito ang sasakyan ng mga suspek na nakaparada sa kalsada.

Nilapitan ng mga awtoridad at tinanong kung ano ang ginagawa ng tatlong suspek sa loob ng sasakyan pero hindi umiimik at sumasagot ang mga ito.
Dito nagsagawa ang mga pulis ng visual search sa loob ng sasakyan at nakita ang isang kahina-hinalang item.

Tinanong muli ng mga pulis ang tatlo ngunit hindi pa rin sumagot ang mga ito kaya nagpatulong na sila sa K-9 Unit ng pulisya.

Ayon kay Cabatan, nadiskubre ang 13 bungkos ng mga marijuana na binalot sa brown packaging tape na may kabuuang bigat na 12.5 kilo.

Dahil dito, inaresto ng mga pulis ang tatlong suspek at sinamsam ang mga kontrabando. (Allan Bergonia)