Itataas na sa hanggang P100 ang kontribusyon ng mga miyembro sa Home Development Mutual Fund (HDMF o Pag-IBIG Fund).
Nabatid na mula sa dagdag na P100 kada buwan, aakyat ang kontribusyon sa P150 sa Enero 2021 at magiging P200 naman ito sa 2023.
Ayon kay Pag-IBIG chief executive officer Acmad Moti, hindi na kailangang mangutang ng Pag-IBIG para tugunan ang dumaraming umuutang na miyembro.
Maaari rin lakihan na ng Pag-IBIG ang puwedeng mautang sa pabahay sa mga susunod na taon.
Gayunman,sinabi ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), dapat mas mataas pa ang dagdag kontribusyon para mas malaki rin ang mauutang ng mga miyembro.
Sinabi ni Alan Tanjusay, spokesman ng TUCP na mas malaki ang savings ng miyembro kapag mas mataas ang hulog kaya hindi sapat kung P50 lang ang paunang dagdag kontribusyon.
Nalaman na sa 2021, tataas sa P3,600 ang magiging taunang minimum na hulog ng miyembro mula sa kasalukuyang P2,400.
Habang tataas naman ito sa P4,800 pagdating ng 2023. (Juliet De Loza-Cudia)