P100K shabu buking sa magpinsan

Tinatayang mahigit sa P100,000 halaga ng shabu ang nasamsam sa magpinsan sa isinagawang buy-bust operation sa kalagitnaan ng ipinapatupad na curfew sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Kasong paglabag sa RA 9165 ang isinampang kaso laban sa naarestong suspek na si Jay AR Levardo, 29, at pinsan nitong si Mark Anthony Levardo, 32, kapwa residente ng Bancal, Carmona, Cavite.

Sa ulat ni P/MSgt. Jonarey Viray ng GMA Municipal Police Station, dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi kung saan tulog na ang karamihan ng residente dahil sa ipinapatupad na curfew sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ay siya naman ang pagsasagawa ng operasyon ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Marcelino St., Brgy. Maderan GMA, Cavite kung saan target si Jay Ar.

Matapos nakipagtransaksiyon si Jay Ar at ang poseur buyer ay nagbigay ng hudyat ang huli kung saan inaresto ang una at nakuha ang isang pouch na naglalaman ng hinihinalang shabu.

Inaresto rin ang pinsan nitong sa Mark Anthony na naroon din sa lugar at nakuhanan din ng hinihinalang shabu.

Sa kabuuan, nakuha sa dalawa ang tinatayang 17.5 gramo ng hinihinalang shabu o may street value na P119,000. Kulong ang mga ito sa GMA Custodial Center. (Gene Adsuara)