Bilib tayo kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Nicanor Faeldon sa tapang nitong ilutang ang pagkakakilanlan ng isang opisyal ng BOC na tumatanggap diumano ng multi-milyong buwanang “tara” o “lagay” mula sa mga smugglers simula pa noong 2012.
Sa isang press briefing na ginanap mismo sa Malacañang ay sinabi ni Faeldon na malakas ang kanilang kaso laban kay Customs Police Captain Arnel Baylosis na inaakusahang tumatanggap ng milyong tara buwan-buwan.
Ayon pa kay Faeldon, ipinasa na nila ang case folder ni Baylosis sa Department of Justice (DOJ) para sa kaukulang imbestigasyon.
Apat na katao na ang direktang nakatransaksyon ni Baylosis ang nag-testify na simula 2012 ay nagbibigay na sila ng tara sa Customs na nagkakahalaga ng mula P100M hanggang P220M kada buwan.
Binanggit ng Customs chief na ang mga affidavit ay nakarating sa kanyang tanggapan noong unang linggo ng Hulyo pag-upung-pag-upo nito sa puwesto.
Gayunpaman, nagdesisyon ang hepe ng BOC na huwag munang iulat ang impormasyon para maikamada na ang kaukulang imbestigasyon.
Ang pangalan ni Baylosis ay lumutang kasunod ng follow-up investigation na isinagawa matapos masabat ang 88 containers ng red onions.
Dinaan pa sa diplomasya ni Faeldon ang lahat ay kinausap si Baylosis na tumanggi sa alegasyon kaya humantong sa DOJ ang usapin.
In fairness sa inaakusahang si Baylosis, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho nito habang nakabinbin ang magiging rekomendasyon ng DOJ.
Sabagay kailangan talagang dumaan lahat sa tamang proseso.
Pero kung ako kay Com. Faeldon ay sinimulan ko na ang hiwalay na lifestyle check kay Baylosis upang habang hinihintay ang rekomendasyon ng DOJ ay may nakaabang pa itong ibang kaso.
Hindi dapat tinatantanan ang ganitong klaseng mga opisyal ng gobyerno.
Kaya sa iba pang taga-Customs na nagpahirap sa ating mga kababayan, lalo na sa mga may regular na transaksyon sa nasabing ahensya ng ating gobyerno, matinag na kayo dahil hindi malayong kayo na ang isusunod na gigisahin at aasuntuhin ni Com. Faeldon para mabulok kayo sa kulungan.