P100M provincial hospital itatayo sa Taytay

Nakatakdang itayo sa Taytay ang Rizal Provincial Hospital-Taytay Annex na nilaanan ng pondong P100-milyon ng Rizal provincial government.

Ito ang ibinida ni Taytay Mayor Joric Gacula kung saan mapakikinabangan ng mga residente ng Taytay ang bagong itatayong hospital na dating lumang municipal building.

“Ito ang ospital na ipinangako ni Gobernadora Rebecca ‘Nini’ Ynares at nariyan naman ang lumang gusali ng aming bayan para pagtayuan, at gigibain na ito sa susunod na taon upang pasimulan na ang proyekto,” ayon kay Mayor Gacula.

Matatapos sa 2021 ang Rizal Provincial Hospital-Taytay Annex at sisimulan ang konstruksyon sa Marso.

Kasabay nito, maglalagay din ng ‘one-stop shop government center’ para sa pagkuha ng National Bureau of Investigation (NBI), Immigration, Social Security System (SSS), Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center, Tourism Office at Municipal Trial Court upang mapadali ang pagproseso ng mga kailangang dokumento. (Vick Aquino)