P10B `pork’ ng Cayetano boys ibuhos sa Covid

Binunyag ni Davao City Third District Rep. Isidro Ungab ang P10 bilyong `midnight insertions’ ng mga bata ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa ilalim ng 2020 national budget na umano’y maaaring i-realign at libuhos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa stimulus program sa gitna ng extended lockdown sa buong Luzon.

Ayon kay Ungab, dating chairman ng makapangyarihang House committee on Appropriation na may alokasyong P10B ang ilang miyembro ng Kamara na malapit kay Cayetano na pilit na isiningit umano sa mga huling oras ng bicameral conference committee noong nakaraang Disyembre.

Aniya, ang nasabing halaga ay isinailalim ng Department of Budget and Management (DBM) programa na `For Later Release’ . “It is better that these idle projects be realigned for better use most especially as funds to help fight the COVID-19 virus pandemic.”

Ang pondo ay hindi dumaan sa regular na budget process at ang `midnight insertions’ ay sinasabing inilaan umano sa mga electric library project sa mga piling state universities and colleges at mas malaki sa budget ng mga SCUs.

Hindi na pinangalanan ang mga congressman na nagpasimuno ng singit `pork’ subalit halata umano na mga distrito at balwarte ng mga ito ang dapat na makikinabang sa pera.

Ilan sa mga SCUs na piniling mabigyan ng pondo ay ang Bulacan State University sa Malolos City na bahagi ng legislative district ni House Blue Ribbon committee chair Jonathan Sy-Alvarado (Bulacan, 1st district); Rizal Technological State University sa Mandaluyong City sa ilalim ni Deputy Speaker for Internal Affairs Neptali `Boyet’ Gonzales II; at Batangas State University sa Batangas City na inilagay umano ni Deputy Speaker Raneo Abu.

Kasama rin sa listahan ng mga SCUs na mabibiyayaan sa electronic library project ang Mindanao State University sa Marawi City subalit hindi pa malinaw kung sino ang nagsingit ng alokasyon para dito.

Bahagi umano ng P10 billion ang aloksyon para sa Information Technology (IT) projects ng National Telecommunications Commission (NTC) at Philippine Coast Guard (PCG).

“Total IT projects is worth about P10 billion in midnight insertions,” bunyag pa ni Ungab.

Pinarating ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Budget Secretary Wendel Avisado sa pamamagitan ng memorandum na may petsang Abril 6, 2020 na inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang panukalang tulong sa mga local government units (LGU s) sa ilalim ng Republic Act No. 11460 o Bayanihan Act of 2020.

Alinsunod sa nasabing memorandum, lahat ng pondo ay manggagaling sa P30.824 bilyong infrastructure project na nabinbin at na-classify ni Budget Sec. Wendell Avisado na `For Later Release’ kung saan karamihan ay mga insertion o singit `pork’ , ayon kay Ungab.

Wala pa umanong nilalabas na listahan ang DBM sa mga infra project na hindi na tinuloy gayunman, dapat umanong unahin ni Pangulong Duterte ang realignment ng mga pondo na na-red flagged ni Avisado para pandagdag sa COVID response ng gobyerno. (JC Cahinhinan)