May peace offering ang Transport Network Company (TNCs) na Uber Philippines sa Land Transportation Franchi­sing Regulatory Board (LTFRB) na tumatagin­ting na P10 milyon para payagang itigil ang ipinataw na isang buwang suspensyon.

Bukod sa P10 mil­yong alok sa LTFRB ay nangako rin ang Uber ng tulong pinansyal sa mga naperwisyong driver partners nila habang inaayos umano nila ang problema.

Kaakibat ng nasabing mga alok ay nangako ang Uber na susunod na sa isinasaad ng ating batas hinggil sa tamang pagnenegosyo sa NTCs.

Hindi tayo sang-ayon sa alok na ito ng Uber sa LTFRB dahil malinaw na tawag sa ganitong alok ay suhol.

Wala pang desisyon sa alok na ito ng Uber ang LTFRB pero hindi dapat ito katanggap-tanggap.

Ang dapat gawin ng Uber ay kumpletuhin ang hinihinging rekisitos sa kanila ng LTFRB para maging legal ang kanilang negosyo at hindi iyong mag-aalok pa ng tumatanginting na P10M para lamang tanggalin ang ipinataw na suspensyon sa inyong operasyon.

Yang inaalok ninyong P10M itabi nyo ‘yan para sa inyong pangangailangan habang kinukumpleto ang mga kinakailangan ninyong mga dokumento.

Simpleng hakbang lamang ang hinahanap sa inyo. Pero kung wala kayong maiprisinta diyan talaga kayo magkakaproblema.

Pero sa mata ng kahit sino, hindi tama ang pag-aalok ng Uber ng P10M at nakakabahala din na baka makwestyon ang desisyon ng LTFRB sakaling payagan kayong mag-operate agad at hindi umabot sa isang buwan ang suspensyon katulad ng naunang ipinataw ng LTFRB.

Ibig sabihin, inilagay nyo lamang sa isang kumplikadong sitwasyon ang LTFRB sa inilutang ninyong pag-aalok ng P10 milyon.

Ang payo ko sa Uber at maging sa Grab, ayusin ninyo ang mga atraso ninyong mga dokumento sa LTFRB para maayos kayong makapag-operate. Hindi iyong nagkakasya kayo sa pamulta-multa kapalit ng pagpayag sa inyong operasyon.

Mas maganda kayang mag-operate na lehitimo para maayos ang takbo ng negosyo.