RIZAL, Nueva Ecija — Labing-anim na manok na panabong ang nakulimbat ng ‘di nakilalang magnanakaw sa isang compound sa Brgy. Del Pilar dito kamakalawa.

Ayon sa ulat, ang nilooban ay ang compound ni Allan Villanueva Romualdo, residente ng Kapi­tan Pepe Cabanatuan City, kung saan naroon ang may 16 na panabong na pag-aari ni Paul Bernardo Caoagas, 23, binata, businessman, residente ng Brgy. Poblacion Sur sa bayang ito.

Lumitaw sa imbestigasyon na dakong alas-5:30 ng madaling-araw nang matuklasan ng caretaker ang nakawan.

Lumalabas sa report na pinutol ng mga salarin ang barbed wire na perimeter fence at saka pinagdadakma ang mga manok na nagkakahalaga ng P112,000.