P12.5M shabu nasamsam sa Gapo pulis

Ni: Randy Datu

OLONGAPO CITY – Nasamsam ng mga lokal na pulisya nitong Martes ang higit sa 1 kilogram ng shabu na nagkakahalaga ng P12. 5 milyon mula sa apat na mga suspek sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod na ito.

Sinabi ni Col. Benjamin Sembrano, PNP City Director ng Olongapo, isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng Laban St. sa Balic-Balic, Barangay Sta. Rita bandang 12:00 ng tanghali.

Naaresto sina Archie Boy Usenar, John Mark Serica, Jeff Dennon Rivera at Michael Salac na lahat ay kasama sa drug watchlist ng lungsod.

Ang nasabing pinaghihinalaang shabu ay may timbang na 1,250.65 gramo o 1.2 kg na nakalagay sa 32 plastic sachet.

Sa ngayon ay nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.