Nagbabala ang isang transport group na ­magiging P12 ang ­minimum na pasahe sa pampublikong mga jeepney sakaling ituloy ng pamahalaan ang pag-phase-out sa mga lumang yunit ng mga jeep.

Sa isang panayam kahapon sa isang istasyon ng radyo ay sinabi ni Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) national president George San Mateo ang nakaambang dagdag-pasahe sa mga pampasaherong jeepney.

Giit ng PISTON, ­nakipagkasundo umano ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpatupad ng fare adjustment sa mga potensyal na e-jeepney operators.

“Kapag napatupad ‘yan, yung pamasahe po tataas. In fact, may pahayag ang LTFRB doon sa mga operator na kukuha ng mga mamahaling electric na jeepney, papayagan nila na magtaas ng pamasahe hanggang P12,” ayon pa kay San Mateo.

Aminado naman ang PISTON na ang commu­ters ang papasan sa dagdag-singil sa pasahe, lalo na ang mga estudyante.

Iginiit din ng PISTON na tahimik ang LTFRB sa usapin ng pagtataas ng pasahe dahil alam nilang ito ang mangyayari.

“Napansin n’yo ‘yung LTFRB silent sa usapin na ‘yun ah? Nangangahulugan po ‘yan ng pagtaas ng pamasahe. Bakit po? Mil­yones po ang halaga ng mga ‘yan tapos korporasyon ang magpapatakbo,” sabi pa ni San Mateo.

“Itong mga korporasyon na ‘to na siyang papalit sa mga may-ari at magku-control dito sa mga bagong sasakyan na ‘to, babawiin nila sa mabilis na panahon ‘yung kanilang in-invest d’yan sa mga mamahaling sasakyan na ‘yan,” dagdag nito.

Sa ilalim ng draft ­order ng Department of Transportation (DoTr) ang mga jeepney units na 15 – taon pataas ay kailangan nang palitan ng cleaner at fuel-efficient units.

Obligado rin ang mga jeepney operators na magkaroon ng may 20 units at market capitalization na P7M para sa ibibigay na prangkisa.

One Response

  1. para wala nang pagtalunan eh di phase out na ang lahat ng jeep sa metro manila dalhin lahat ang jeep sa province wala ng ipapalit totaly phase out na lahat ng jeep. bakit sa ibang bansa wala namang jeep nakakapag commute sila. kaya naging tamad ang pilipinong mag lakad dahil dyan sa mga jeep at sa mga 3 wheel nayan gusto ihatid pa sila sa tapat ng mga bahay nila sa ibang mayayamang bansa bus lng ang transfortaion at may mga tama babaan at sakayan kaya naglalakad na lang sila papuntanng bahay nila