P136M ambag ng PNP kontra COVID crisis

Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na umabot na ng mahigit P136.7 milyon ang pondong kanilang nalikom mula sa boluntaryong kontribusyon ng kapulisan upang makatulong sa mga labis na apektado ng enhanced community quarantine sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Maj. Gen. Benigno Durana Jr., PNP director for police community relations, galing ang nasabing halaga sa mga namumuno ng mga command group, directorial staff, police regional office, national support unit at sa mga matataas na opisyal ng PNP gayundin ng kanilang mga staff bilang cash donation para sa Team PNP Bayanihan Fund Challenge.

Una nang sinabi noong nakaraang linggo ni PNP Director General Archie Gamboa na inaasahan nilang aabot ang cash donation ng kapulisan hanggang P200 milyon.

Ayon kay Gamboa, ang Bayanihan Fund Challenge na tinawag din bilang Sariling Alay ng Pulis (SAP) Para sa Mahihirap, ay inilunsad para matulungan ang pamahalaan sa pagkakaloob ng ayuda sa mga pinakamahihirap na pamilyang apektado ng ECQ.

Una na ring inihayag ng mga namumuno ng mga command group, director staff, police regional office, national support unit, at all-star rank office na ido-donate ang 50% ng kanilang suweldo para sa buwan ng Mayo.

“More than our services this is our golden opportunity to selflessly share, provide social and moral support and economic relief to our fellow Filipinos who belong to the poorest of the poor,” sabi ni Gamboa. (PNA)