Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nag-abiso si Pangulong Rodrigo Duterte na naglaan ito ng P2 milyong halaga ng patong sa kada ulo ng pito pang nakalalayang pulis-Malabon na responsable sa kidnapping at robbery extortion sa isang babae sa Malabon City.
Ayon kay PNP Counter-Intelligence Task Force (CITF) chief Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo, nagpadala ng mensahe sa kanya si PNP chief Director General Ronald dela Rosa na sinabi ng Pangulo habang sila ay nasa Russia na maglalaan ito ng tig-P2M reward sa pitong pulis para sa agarang pagdakip sa mga ito.
Sinabi ni Malayo na ang nasabing halaga ay ipagkakaloob sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng pito pang pulis na sina SPO2 Gerry Dela Torre, PO3 Michael Angelo Diaz Solomon, PO3 Luis Tayo Hizon Jr., PO2 Michael Papa Huerto, PO1 Jovito Roque Jr; PO1 Ricky Alix Lamcen at PO3 Bernandino Pacoma.
Binigyan diin ni Malayo na ang sinumang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang mga ito ay pagkakalooban ng nabanggit na halaga ng pabuya.
Sinabi ni Malayo na ipinarating sa kanya ni dela Rosa ang mensahe ng Pangulo na buhay man o patay ay ipagkakaloob sa sinumang informer ang nasabing halaga para matunton ang mga suspek na pulis.
Kahapon din ay sinabak ni NCRPO chief Director Oscar Albayalde ang hepe ng Malabon Police at 24 pang tauhan nito kaugnay sa insidente.
Sinibak din ang hepe ng Drug Enforcement Unit ng Malabon City Police gayundin ang 28 miyembro nito at pansamantalang inilagay sa PNP Holding center ng NCRPO.