P150M halaga ng manok pamimigay ng SMC

Ipinahayag ng San Miguel Corporation (SMC) na mamimigay sila ng P150 milyong halaga ng mga poultry product sa mga mahihirap bilang ambag ng kompanya sa mga ginagawang hakbang para labanan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) at maibsan ang epekto nito sa bansa.

Ayon sa SMC, umaabot na sa P1.147 bilyon ang kontribusyon nito sa laban sa COVID-19.

“With the resources that we have, we are in a position to help and provide essential relief, especially to our neighbors, in these difficult times.

To use these resources well and put them to good use is the right and responsible thing to do,” sabi ni SMC president at COO Ramon S. Ang.

Una nang namahagi ang SMC ng P38.4 milyong halaga ng bigas, P390.7 milyong halaga ng mga de lata, mga meat product biskwit at tinapay sa mga relief goods na dinaan nito sa ilang mga local government unit.

Binalik din ng SMC ang Nutribun na sinasama sa mga relief pack para madadagan ng sustansiya ang mga kinakain ng mga tao.

“Many families do not have the means to earn a living right now, so food is really a concern. By helping our LGUs and partner non-profit and charitable organizations bring food to those who need it, we hope that the most vulnerable families will have one less thing to worry about, especially since we are all mandated to stay in our homes,” dagdag ni Ang.

Mabilis umaksyon ang SMC para mapunan ang kakulangan ng ethyl alcohol sa bansa nang inayos nito ang kanilang planta ng gin at alak para gumawa ng ethyl alcohol na mas kinakailangan ng bansa.

Umabot na sa P83.3 milyon ang donasyon ng SMC ng ethyl alcohol sa mga frontliner.

Kinalampag na rin nito ang kanilang mga supplier para makakuha ng P500 milyong halaga ng mga personal protective equipment o PPE na ido-donate sa mga frontlines.

Nag-donate din ang SMC ng mga ventilator sa limang pampublikong ospital, nilibre sa toll ang mga medical frontliner, nagpatayo ng emergency quarantine facility, at nagbigay ng libreng sakay. (Eileen Mencias)