P15B unliquidated funds ng DSWD bistado

DSWD

Nasilip kahapon ni Senador Loren Legarda ang P15 bilyon unliquidated funds ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nakaraang anim na taon.

Sa hearing ng senate committee on finance sa proposed budget ng ahensya, nasabon ni Legarda si DSWD Undersecretary Emmanuel Leyco matapos malaman ang unli­quidated fund ng ahensya mula sa pagkabigo ng ilang local government units (LGUs) na i-account ang pondo partikular ang inilaan sa supplemental feeding program.

Lumitaw na P2.9 bil­yon ang inilaan sa feeding program na ipinatutupad ng LGUs subalit ayon kay Leyco, natigil ang supplemental feeding.

“Poor children failed to get nutrition and othe­r benefits because of the unconcern of these LGUs and maybe these mayors are no longer there. It’s infuriating,” galit na pahayag ni Legarda.

Tinukoy na dahilan ni Leyco sa unliquidate­d funds ay dahil sa pagka­talo ng ilang alkalde sa nakaraang eleksyon at pagbitiw ng mga emple­yado na nangangasiwa sa liquidation ng pondo.

Dahil dito, hiling ni Legarda sa DSWD na bigyan ang komite ng breakdown ng mga unliquidated funds gayundin ng listahan ng ‘notorious’ LGUs na nabigong i-account ang pondong ibinigay sa kanila para sa iba’t ibang programa ng ahensya.