Hindi na itutuloy ng pamahalaan ang pagpapagawa ng ilang major bridge project na nagkakahalaga ng P161.1 bil­yon sa ilalim ng infrastructure program o mas kilala bilang Build, Build, Build sa halip ay papalitan na lamang ito ng mas maliliit na Public-Private Partnership (PPP) project.

Ito ang inihayag ni Socio-economic Planning Secretary at National Economic Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia sa Ambisyon Natin 2040 symposium and exposition na ginanap sa SMX Aura Convention Center sa Taguig City noong Biyernes.

Kabilang mga ipinagpaliban na proyekto ay ang Leyte-Surigao link bridge, Cebu-Bohol link bridge at Luzon-Samar link bridge.

Ayon kay Pernia, mahirap ipatupad sa ngayon ang mga nabanggit na proyekto dahil sa kakulangan ng technological at engineering equipment lalo pa at itatayo ang mga naturang tulay sa malalim na bahagi ng tubig.

Sa kabila nito, sinabi ni Pernia na ‘game-changing’ na mga imprastraktura ang ipapalit nilang PPP project na kanilang ihahayag sa NEDA website sa susunog na linggo.

Kabaliktaran ito sa naunang posisyon ng gobyerno kontra PPP project na pribadong sektor ang magpapagawa, mag-ope­rate at mangangasiwa.

Inamin ni Pernia na mayroong pag-aalinlangan noon sa mga PPP project subalit kaila­ngan umano nilang mag-adjust dahil sa reyalidad.

Ang mahalaga aniya ay mag-focus sa idudulot ng proyekto sa ekonomiya at sa ibubunga nitong employment at paglago ng kabuhayan ng bansa.

Tatalakayin pa umano niya kay Finance Secretary Carlos Dominguez ang mga pagbabago sa infrastructure program ng pamahalaan pero nasabi na niya ito kay Finance Undersecretary Karen Singson. (PNA)