Aabot sa may P16 bilyon ang hinahabol ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa may 89,000 delinquent taxpayers.
Kasabay nito, binigyan ng ultimatum ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada ang mga delinquent property owners para bayaran ang kanilang pagkakautang na buwis kung ayaw nilang mawala ang kanilang mga ari-arian.
Sinabi ni Estrada na may hanggang Hunyo na lamang ang mga delingkwenteng taxpayers para bayaran ang pagkakautang nila sa buwis at kung hindi ay mapipilitan umano ang pamahalaang lungsod, ayon sa batas, na ipa-public auction ang kanilang ari-arian upang makalikom ng pondo ang lungsod.
“Umaapela ako sa mga property owners na ayusin na ang kanilang tax dues,” ani Estrada.
Ipinaliwanag ng alkalde na malaking tulong ang makokolektang buwis sa pagpapatupad ng mga programa at pagpapabuti ng serbisyo para sa mga mahihirap na Manilenyo.
Upang mapagaan ang pasanin ng mga property owners, pinirmahan ni Estrada nito lang Enero ang Ordinance No. 8516 na nagkansela sa nakatakda sanang 40 porsyentong pagtaas muli ng real property tax sa lungsod ngayong taon.