P1B pondo para sa coronavirus — Yap

Aaprubahan na sa linggong ito ang P1 bilyon na dagdag-pondo na hinihingi ng Department of Health (DOH) para labanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon sa bagong talagang Chairman ng House Committee on Appropriations na si ACT-CIS Cong. Eric Yap, gagamitin ang naturang budget para pambili ng DOH ng mga face mask, medical protective equipment para sa mga health worker sa buong bansa, sanitation, disinfecting equipment, mga gamot at pang-overtime ng mga emergency health workers sakaling lumala ang COVID-19 sa bansa.

“Paghahanda ito kung sakaling medyo lumala ang coronavirus sa bansa… mas mabuting one step ahead ang gobyerno,” ayon kay Cong. Yap.

Nabatid na last month pa humingi ang DOH ng additional funding para sa COVID-19 ngunit hindi ito agad naibigay dahil na-focus ang Kongreso at Senado sa usapin ng POGO at pagdagsa ng mga Chinese workers sa bansa.
“May marathon hearing kami sa appropriations sa ngayong Lunes (March 9) at kailangan maaprubahan ito before Friday para maibigay ito sa DOH by early next week,” ani Yap.

“Kasama sa P1 billion additional fund ng DOH ay ang information dissemination para hindi nag­huhula at nagpa-panic ang taumbayan,” dagdag pa ng mambabatas.

Si Yap ang pumalit kay Cong. Isidro Ungab ng Davao bilang chairman ng appropriations committee noong nakaraang linggo matapos umugong ang tangkang kudeta sa Kongreso.