P1B rehab fund bubusisiin ng Kongreso

Bubusisiin ng Kongreso ang P1 bilyon na pondo na inilaan sa pagpapatayo ng mga drug rehabilitation centers (DRCs) dahil 1,800 beds o kama lamang umano ang naipatayo sa nasabing halaga.

Sa kanyang House Resolution (HR) 190, nais ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na malaman kung paano nagamit ang nasabing pondo at kung mayroon pang natitira dahil kailangan ngayon ng pamahalaan ang dagdag na pasilidad dahil sa pagdami ng mga sumukong drug dependents o mga adik.

“Right now, we have only 18 public DRCs with a total of just 1,800 beds. And the President’s plan to create additional centers in campsites offers the quickest way to put in extra beds for drug users in a confined setting,” anang mambabatas.

Sa nakunang report sa Dangerous Drug Board (DDB), ang 18 public DRCs ay nasa Taguig City na may 550 beds, Quezon City (150 beds); Marikina City (50 beds); Dagupan City (300 beds); Palayan City (50 beds); Tagaytay City (120 beds); Magdalena, Laguna (50 beds); Malinao, Albay (50 beds).

Sa San Fernando, Camarines Sur ay mayroon lamang umanong 50 beds, Pototan, Iloilo (50 beds); Argao, Cebu (50 beds); Dulag, Leyte (30 beds); Oroquieta City (50 beds);Cagayan de Oro City (50 beds); Davao City (100 beds); New Corella, Davao del Norte (50 beds) at Surigao City ay mayroong 50 beds.

“A holding and diag­nostic center in Parañaque City is also listed as a public DRC, but with no bed capacity indicated,” ani Pimentel kaya nais umano nilang malaman ang halaga ng mga DRCs na ito.

Hindi, aniya, sapat ang mga DRCs na ito dahil sa ngayon ay lagpas na sa 6,000 ang sumukong drug addicts bunga ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga at patuloy na pagdami pa ng mga ito.

Kahit, aniya, isama pa ang 1,407 beds ng DRCs ng Department of Health, Local Government Units (LGUs) at non-govern­ment organizations (NGOs) ay hindi pa rin sasapat.