P1M cash, alahas tinangay ng kasambahay, lover

abante-tonite-money

Isang kasambahay at kasapakat nitong lover ang dinakip ng mga awtoridad matapos ituro ng isang negosyante na kumuha ng kanyang P1 milyong cash at alahas sa Malate, Maynila.

Nakadetine na nga­yon sa Manila Police ­District-Theft and ­Robbery Section ang suspek na si Anne Loraine Trinidad alyas “Yen” tibo, stay out housemaid at ang umano’y lover nitong si Josephine Miranda alyas Micky, 37-anyos, dalaga, part time service crew at taga-2029 Smith St., Brgy. 743, Malate.

Inaresto ang dalawa matapos magreklamo si Maricel Calimbas y Ciudad, 39-anyos, may asawa, negosyante, ng 2166-F A Linao St., ­Malate.

Sa imbestigasyon ni P/Chief Insp. Eduardo Pama, Mayo 31 ng ala-1:30 ng hapon nang nakawin ang mga alahas at cash ni Calimbas.

Nakatakdang magkita sina Trinidad at Miranda sa Mang Inasal sa Quezon Boulevard sa Quiapo, matapos umanong mangumpisal ang suspek sa biktima, upang ibigay ang nakulimbat nitong mga alahas at cash.

Sanhi nito, bumuo ng team si Chief Insp. Pama at sa pangunguna ni P/Sr. Insp. Henry Navarro ng PS9 at ilan nitong tauhan kasama sina SPO1 Manuel Pimentel at PO3 Margarito Dequito, kapwa nakatalaga sa MPD-TRS, at natimbog ang dalawa kasabay ng pagkakarekober sa mga alahas at cash na aabot sa P1,524,000.