P1M halaga ng PPE dagdag tulong ng PBA vs COVID-19

Muling nagbuklod ang PBA para tumulong sa frontliners na nakikibaka sa coronavirus disease 2019.

Kanselado ang Philippine Cup dahil sa virus, hindi pa sigurado kung kailan itutuloy lalo’t nagkaroon ng extension ang enhanced community quarantine hanggang April 30.

Bukod sa mga nauna nang donasyon, magbibigay pa muli ng ayuda ang liga.

“The board has decided to donate P1M worth of PPEs (personal protective equipment). I was tasked to be the point man,” ani commissioner Willie Marcial. “Ako ang maghahanap ng gagawa ng PPEs, ido-donate namin doon sa mas mga nangangailangan.”

Kasama ang hakbang sa napagkasunduan sa online Board meeting na ipinatawag ni chairman Ricky Vargas nitong Biyernes.

Nagkaisa rin ang PBA officials na ituloy ang assistance sa PBA employees at game-day personnel na nawalan ng pagkakakitaan sa kanselasyon ng Philippine Cup. Kasama sa mga ito ang referees, table officials, statisticians, barker, porters, parking, blue boys at mga nasa operation. (Vladi Eduarte)