P1M multa, 12 taon kulong sa kasera ng shabu laboratory

Nakalusot sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukala na mag-aamyenda sa Republic Act No. 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Nakapaloob ito sa House Bill 8909 na pangunahing iniakda ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon sa panukala, kasama na rin sa maparurusahan ang mga pabayang nagpapaupa ng ari-arian na ginagamit bilang clandestine laboratories.

“The penalty of imprisonment ranging from six years and one day to 12 years, and a fine ranging from P500,000 to P1 million shall be imposed upon the owner or lessor of a building, warehouse, or any pro­perty, or in his/her absence the duly authorized representative who leases the property to any person but omits or fails to ascertain, check and confirm that the property is actually used for lawful purpose, and which property is found to have actually been used as clandestine laboratory or used in the manufacture or storage of dangerous drugs, controlled precursors and essential chemicals,” ayon sa panukala.

Ipapataw ang maximum ­penalty sa may-ari, lessor o kinatawan nito kapag hindi ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang madidiskubreng iligal na aktibidad ng umupa.

Pakay din ng panukala na matiyak na drug-free ang mga atletang Pinoy, mapa-professional man o non-professional.
Oobligahin ang mga ito na sumailalim sa dalawang beses na drug testing kada taon.

Ang drug test certificate ng iniisyu ng mga accredited drug testing center ay magiging balido na lamang ng tatlong buwan mula sa orihinal na isang taon.

Samantala, bibigyan naman ng hazard pay na katumbas ng 25% ng buwanang suweldo ang mga opisyal, agent, imbestigador at iba pang tauhan ng PDEA na lantad sa peligro ang trabaho.