P1M reward sa ex-driver/lover ni De Lima

Itinaas na kahapon sa P1 milyon mula sa da­ting P100,000 ang reward money sa kung sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng dating driver/lover ni Senadora Leila de Lima na si Ronnie Dayan.

Kahapon, sa isang press conference sa isang lugar sa Quezon City na pinamunuan ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) founding chairman Dante Jimenez at Atty. Ferdinand Topacio ay ipinakita pa mismo sa mga mamamahayag ang kahon kung saan naglalaman ng sampung bundle na tig-isang daang libong piso bilang patunay na handa na itong ibigay sa sinong makakapagbigay ng impormasyon at makakatulong para maaresto si Dayan.

Nilinaw naman ni Topacio na ang nabuong pabuya ay hindi galing sa pondo ng VACC kundi galing sa tulong ng kanilang pitong mga pribadong kaibigan.

Nagpahayag naman ng paniniwala ang VACC na hindi iligal ang nabuong pabuya para kay Da­yan.