Sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng Calibrated Community Quarantine (CCQ) sa lalawigan ng Cavite, patuloy ang transaksiyon ng droga nang tinatayang mahigit sa P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam at nagresulta sa pagkakaresto sa isang 53-anyos na babae sa isinagawang buy bust operation sa Dasmarinas City, Cavite.
Nakakulong ngayon sa Dasmarinas City Custodial Center ang naarestong suspek na si Flordelinda Cornell, dalaga, ng Brgy Datu Esmael, Dasmarinas City Cavite habang pinaghahanap pa ang nakatakas na kasama nito na si Javie Mala ng nasabi ring lugar.
Sa ulat ni PSSgt Ernesto Dasalla Jr, ng Dasmarinas City Police Station, ganap na alas-9:00 kamakalawa ng gabi, habang pinapairal ang CCQ ay nagsagawa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Drug Enforcement team (DET) sa pamumuno ni PCapt Christel Carlo Villanueva , Dasmarinas CPS at PDEA 4A sa Brgy Datu Esmael ng naturang Lungsod kung saan target ang mga suspek.
Sa kalagitnaan ng transaksiyon sa pagitan ng mga suspek at poseur buyer, naramdaman ni Mala na pulis ang kanilang katransaksiyon kaya tumakas ito at iniwanan ang kasama pero sa kanyang pagtakbo ay nalaglag nito ang itim na sling bag kung saan naglalaman ng tinatayang 200 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P1,360,000.
Bukod sa nakuhang hinihinalang shabu, narekober din sa lugar ang mga bala ng kalibre 45 na baril at buy bust money na P85,000. (Gene Adsuara)