P20M reward sa Batocabe slay nawawala

Bigo ang Philippine National Police (PNP) na ipaliwanag kung saan napunta ang mahigit sa kalahati ng P35 milyong pabuya laban sa mga pumatay kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.

Sa pagdinig ng House committee on public accounts noong Miyerkoles, nagalit si House Deputy Speaker Johnny Pimentel matapos na walang maipakitang disbursement at liquidation documents si acting Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief Police Brig. Gen. Joel ‘Jigs’ Coronel hinggil sa P20 milyong halaga mula sa kabuuang P35 milyong pabuya sa Batocabe slay.

“Still a shortfall of P20 million. Saan napunta ‘yung P20 million?” ani Pimentel.

Nabatid na ang nasabing halaga ay binigay noong Enero ni Pangulong Rodrigo Duterte kay dating PNP Director General Oscar Albayalde.

Inihayag naman ni Coronel na P13 milyon pa lamang ang naibigay na pabuya para sa lahat ng mga testigo sa Batocabe slay.

Hindi naman kumbinsido si Pimentel sa paliwanag ni Coronel at sinabing imposible na walang rekord nito ang PNP.

“I don’t believe na hindi nila alam. Very clear na tinatago nila ‘yan. It was liquidated, sinubmit nila sa office tapos wala silang record,” ani Pimentel.

Samantala, binatikos din ni Pimentel si Albayalde nang hindi ito dumalo sa pagdinig.

Ayon kay Pimentel, dapat magpaliwanag si Albayalde kung saan napunta o paano ginamit ang P20 milyong pabuya na galing sa Malacañang.

“Kailangan po natin malaman saan napunta ‘yung P20 million,” ani Pimentel.
Nagbanta ito na iko-contempt si Albayalde kapag nabigong dumalo sa susunod na pagdinig ng komite. (JC Cahinhinan)