Alam nyo ba na may aso na nagkakahalaga ng higit sa kalahating milyong piso?
Mayroon iyan dito sa Pilipinas at gobyerno ang posibleng magmay-ari nito kapag naisakatuparan ang pagbili ng mamahaling aso.
Isiniwalat ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto na naglabas na ng Special Allotment Release Order (SARO) ang Department of Budget and Management (DBM) para sa pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng 48 na ‘explosive detection dogs’ sa kabuuang halagang P24.56 milyon.
Ibig sabihin nito, nagkakahalaga ng P511,672 ang bawat isang bomb sniffing dog.
Tanong tuloy ni Recto, may pera naman pala ang PNP pero bakit hindi nila inuna ang pagbili ng body camera ng mga pulis.
“I am not yet ready to pass value judgement on that purchase but a half-million-peso dog should be as good as Scooby Doo,” patutsada ni Recto.
“’Yang P24 million na ‘yan, pwede nang ibili ng tig-P10,000 na body cam for 24,000 police officers. Or if one body cam will be used two shifts a day, for 48,000 policemen,” katuwiran ng senador.
Ang budget sa pagbili ng aso ay bahagi ng P1,901,472,364 ipinalabas ng DBM sa PNP kamakailan lamang.
Kabilang sa bibilhin ng PNP ay 103 light transport vehicles (P132 million);126 personnel carriers (P245.2 million), 323 motorcyles (P31 million); 138 rubber boats (P343.4 million); 320 5.56mm light machine guns (P200 million); 231 7.62 mm light machine guns (P252.4 million) at iba pa. (Boyet Jadulco)