P24 bilyong pautang ng ADB para sa 4Ps

Inihayag ng Asian Development Bank (ADB) na inaprubahan nito ang P24 bilyong pautang sa Pilipinas para gamitin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Base sa pahayag ng ADB, layon ng kanilang pautang na mapalawak pa ng pamahalaan ang naturang programa sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sa isang pahayag, sinabi ni ADB vice president Ahmed Saeed na malaking tulong ang 4Ps para sa mahihirap na pamilya upang matulungan ang kanilang mga anak na makapag-aral, manatiling malusog at umasenso ang pamumuhay.

Natulungan aniya ng nasabing programa ang mahigit 1.5 milyong katao na makaalis sa kahirapan simula nang ipatupad ito noong 2008.

Sa pamamagitan ng pautang at technical assistance, nakatutulong aniya ang ADB na mapalawak pa ang programa nito.

Sa pamamagitan ng 4Ps, binibigyan ang mahihirap na pamilya ng tulong pinansiyal ng gobyerno para manatiling nakakapasok sa eskuwelahan ang kanilang mga anak at kailangan din ang regular na pagbisita sa health center para masuri ang kanilang kalusugan.