Arestado ang dalawang babae sa Baliwag, Bulacan makaraang makuha sa pag-iingat ng mga ito ang tinatayang P25 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation kahapon.

Kinilala ang mga suspek na sina Cristina Joana Trinidad, 39-anyos, ng Brgy. Tambubong, San Rafael at Ruth Francisco, 34-anyos, taga-Brgy. Loma de Gato, Marilao.

Nakatanggap ng impormasyon ang Baliwag Police mula sa isang concerned citizen tungkol sa malawakang pagbebenta ng droga ng dalawang suspek sa Brgy. Sta. Barbara kaya naman ikinasa ang ope­rasyon laban dito, alas-3:50 ng madaling-araw.

Hindi na nakapalag ang dalawang suspek nang dakpin matapos iabot ang droga sa undercover agent kapalit ng P10,000 marked money.

Nakuha kina Trinidad at Francisco ang isang bag na naglalaman ng pakete ng shabu at tumitimbang ng 3.7 kilo, weighing scale at tatlong cellphone.