Naharang ang tangkang pagpuslit ng tinatayang P28 milyong halaga ng shabu ng isang pasaherong Thailander matapos isalang sa x-ray scanning ang dala nitong bagahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni BOC-NAIA District Collector Carmelita ‘Mimel’ Talusan ang naarestong babaeng dayuhan na si Pakjira Janwong, nasa hustong-gulang at pasahero ng flight Z2 288 galing Bangkok, Thailand.

Ayon kay Talusan, dumating ang suspek sa NAIA Terminal 3 dakong alas-tres ng madaling-araw dala ang bagahe kung saan ay idinaan ito sa x-ray scanning dahilan upang makita sa TV monitor ang kahina-hi­nalang hugis ng shabu na nakatago sa tatlong­ pakete na ibinalot sa carbon paper at packaging­ tape.

Agad na isinailalim ng ilang Customs personnel sa physical examination ang loob ng bagahe hanggang sa tumambad sa kanila ang naturang shabu na tumitimbang ng 4.125 kilogram.

Si Janwong ay dinala sa tanggapan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) upang sampahan ng kaukulang kaso sa Pasay City Prosecutor’s Office. (Armida Rico/Otto Osorio)