P2B shabu naipasok sa bansa ng Golden Triangle

Mula sa Southeast Asia at naipasok sa Pilipinas ng Golden Triangle sa pamamagitan ng ‘shipside smuggling’ ang halos P2 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska sa isinagawang raid sa isang warehouse sa Tanza, Cavite kamakalawa.

Kahapon ay kinumpirma ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, na ang mga naturang droga ay mula sa Golden Triangle sa border ng Laos, Thailand, at Myanmar.

Nitong Linggo ay sinalakay ng PDEA ang isang bodega sa Tanza kung saan napatay nila ang dalawang Chinese national sa isang buy-bust operation at narekober ang may 274 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P2-bilyon.

Aniya, itinatapon sa dagat mula sa malalaking barko ang mga naturang kontrabando at saka ito bibingwitin ng mas maliliit na bangka, na siya namang magdadala sa baybayin ng Pilipinas, upang maipamahagi sa kanilang mga parokyano.
Hinala ng PDEA, isinasagawa ang naturang ‘illegal drug smuggling’ sa area ng Region 1 at saka dinadala sa Cavite dahil malapit ito sa Metro Manila.

Ayon sa PDEA chief, ang Golden Triangle syndicate ay patuloy na nagpupuslit ng iligal na droga sa bansa, sa pamamagitan ng ‘shipside smuggling,’ sa kabila ng ‘War on Drugs’ ng pamahalaan.

Ang nasabing sindikato rin umano ang nagpapasok ng iligal na droga sa Mindanao kung saan mas mura ang bentahan dahil ginagamit umano ng mga ito ang Sulu Sea.

Habang ang grupo na nagsasagawa ng operasyon sa Cavite warehouse ay konektado aniya sa naturang sindikato at nasa likod ng shabu laboratory sa Ibaan, Batangas kung saan naaresto ang apat na Chinese national.

Kinumpirma ng PDEA chief na bukod sa dalawang napaslang na suspek ay tatlo pang Chinese, na pawang mula sa Fujian, China ang itinuturing na ‘person of interest’ ng mga awtoridad.