Umakyat na sa P2 milyon ang pabuya sa sinumang makatutulong sa ikadarakip ng mga may kagagawan sa karumal-dumal na pagpatay sa 16-anyos na dalagita sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Nagbigay ng P100,000 ang Central Visayas Police Advisory Council, gayundin mula sa tanggapan ni Presidential Assistant for the Visayas Michael Dino, at mula sa isang pribadong indibidwal, P1 milyon naman mula sa pamahalaang lokal ng Lapu-Lapu City, P200,000 mula sa Cebu Provincial Commission on Women and Children at P500,000 mula sa isang banyaga na naka-base sa Leyte.

Ayon naman kay Police Col. Lemuel Obon, hepe ng Lapu-Lapu police, nagpapatuloy ang paghahanap sa tatlong suspek sa brutal na pagpatay kay Christine Silawan, na bukod sa bina­latang mukha at tinanggalan din ng dila, lalamunan at trachea.

Tinitingnan din ang koneksyon ng kaso ni Silawan sa tatlong suspek sa pagpatay at pagbalat din sa mukha ng 60-anyos na si Trinidad Batucan na nangyari noong Enero 11, 2019. Pinangalanan ang mga suspek sa kaso ni Batucan na magkakapatid na sina Junrey, Juvy at Jonas Bueno.