Nakakalap naman ng impormasyon ang mga tauhan ni Lt. Bontigao sa pagkakakilanlan sa suspek at dahil kabilang si John Rey sa drug watch list ng kapulisan, mayroon na silang larawan ng suspek na kaagad na dinala sa Trauma Ward ng Tondo Medical Center kung saan nakaratay si Jay-Ar.

Bago isailalim sa ope­rasyon sa tama ng bala sa tiyan si Jay-Ar, nagawang maipakita sa kanya ni Sgt. Galvez ang larawan ni John Rey at sa pamamagitan ng sen­yas, positibong kinilala ng biktima ang ipinakitang larawan sa kanya ng pulis na may kagagawan sa pamamaril.

Nang makarating sa kaalaman ni Col. Rolly Balasabas ang positibong pagkilala ni Jay-Ar kay John Rey, kaagad inatasan ng opisyal si Lt. Bontigao na bumuo na ng team na magsasagawa ng malawakang pag-TUGIS sa suspek.

Dalawang team kaagad ang binuo ni Lt. Bontigao na ang una’y kinabibilangan nina SSgt. Edgardo Matabong, SSgt. Arenav Tuazon, Cpl. Jayson De Lava at Cpl. Ruben Steve Rovos habang ang ikalawa ay sina SSgt. John Carlos, SSgt. Elmer Miguel, Cpl. Roderick Day-Ason, Cpl, Leopoldo Lumbong, Cpl. Jess Rondel Sauza at Pat. Joemar Dacallos.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang grupo ng kapulisan at kaagad sinuyod ang posibleng pinaglulunggaan ni John Rey sa Barangay Tangos North, partikular sa kanilang tirahan sa B. Cruz Street subalit bigo silang madakip ang suspek.
Kinabukasan, Disyembre 24, 2019, bisperas ng Pasko, nakatanggap ng impormasyon si Col. Balasabas hinggil sa pinagtataguan ni John Rey sa Malabon City kaya’t kaagad siyang nakipag-ugnayan kay Col. Jessie Tamayao, ang hepe ng pulisya ng naturang lungsod kaugnay sa gagawing police operation ng kanyang mga tauhan.

Dakong alas-7:15 ng umaga ng bisperas ng Pasko nang pangunahan ni Col. Balasabas ang paglusob sa Barangay Dampalit sa Malabon city, kasama si Lt. Bontigao at dalawang team ng pulisya na kanyang binuo at pinalibutan nila ang inuupahang bahay ni John Rey sa 85 Doña Juana Subdivision, Barangay Dampalit.

Nang pasukin ng kapulisan ang pinagtataguang bahay ng suspek, inabutan nila doon si John Rey na hindi na tinangka pang manlaban nang makita ang malaking puwersa ng pulisya.