Part8

Umabot sa 28 ang dinakip ng mga ahente ng PDEA, kabilang ang 12 mga bata na kanilang iniligtas sa lugar na ang pinaka­bata ay may edad na apat na taong gulang habang ang iba ay nasa edad na 12 hanggang 15-taong ­gulang at karamihan ay umaming gumagamit o nagbebenta ng iligal na droga sa lugar.

Ang sorpresang paglusob ng PDEA sa Market 3 ang naging dahilan ng pagkakasibak noon ni dating Navotas police chief Senior Supt. Ram Averia na ayon kay dating National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Guillermo Eleazar ay bunga ng kapabaya­an na naging dahilan ng pamamayagpag ng iligal na droga sa nasasakupan niyang lugar.

Matapos ang natu­rang pagsalakay, nagpalamig pansa­mantala ang mga kilalang drug pushers na nagsu-supply ng droga sa loob ng fish port lalo na’t bantay-sarado na sila ng kapulisan matapos itong iutos ng bagong upong chief of police ng lungsod na si P/Col. Rolando Balasabas.

Sa pahayag sa TUGIS ng mga kaanak ni Jay-Ar, nagduda anila ang mga kilalang drug pushers sa Market 3, isa na rito si John Rey, na inginuso ng isa sa mga kabataang nadakip ang eksaktong lugar na ginagawang drug den kaya’t tukoy na tukoy ng mga awtoridad nang isagawa ang pagsalakay.

Posible anila na kabilang si Jay-Ar sa mga pinaghihinalaang nag-nguso sa mga awtoridad dahil kabilang siya sa mga kabataan na unang nahuli ng grupo ni Senior Supt. Madjaco sa huling bahagi ng taong 2017.

Nang lumaya si Jay-Ar sa Bahay Pag-asa sa kalagitnaan ng taong 2019, umasa ang kanyang kinakasamang si Bibang, pati na ang kanyang mga magulang at kapatid na tuluyan na siyang magbabagong-buhay lalo na’t may trabaho na bilang obrero sa isang shipyard sa Navotas ang kanyang amang si Reynaldo.

Sa kabila ng paglaya ni Jay-Ar sa Bahay Pag-asa, may panuntunan pa rin siyang dapat tuparin at ito’y ang pagre-report sa Navotas Anti-Drug Abuse Council (NADAC) nang dalawang araw sa loob ng isang linggo upang alamin kung tuluyan na siyang nagbagong-buhay at hindi na gumagamit ng iligal na droga.