Part 9

Mahigpit na ipina­tutupad ng NADAC ang panuntunan sa mga nakalaya ng kabataan sa Bahay Pag-asa lalo na’t ilalagay na muli ang kanilang pangalan sa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga sa oras na pumalya sila ng isang araw sa pagre-report.

Sa oras na malagay muli sa talaan ng mga personalidad na sangkot sa droga ang mga nakalayang kabataan, muli silang tutugisin ng kapulisan upang ibalik na muli sa rehabilitation center habang sa piitan na ang bagsak ng mga nasa husto na ang edad tulad ni Jay-Ar.

Dito, regular na nagre-report tuwing araw ng Martes at Biyernes si Jay-Ar sa tanggapan ng NADAC upang magpasailalim sa pagsusuri para patunayang hindi na siya gumagamit ng bawal na gamot.

Nairekomenda na rin siya ng kanyang kinakasamang si Bibang sa ilang may-ari ng bangkang pangisda sa Barangay Tangos North upang mapabilang sa mga sumasama sa pamamalakaya kaya’t kahit papaano’y kumikita na rin siya ng sapat lalu na kung marami ang huli ng sinama­hang bangkang pangisda.

Sa pahayag sa TUGIS ng ninang ni Jay-Ar na si Ofelia Madrid, ang kita aniya sa pagsama ni Jay-Ar sa mga malalaking bangkang pangisda sa kanilang pamamalakaya ay nakadepende sa dami ng kanilang mahuhuli.

Inaawas aniya ng may-ari ng bangkang pangisda ang puhunan at lahat ng gastusin bago kukuhanin ang unang parte habang ang ikalawa ay sa piloto ng bangka at ang mga natira sa salaping pinagbentahan ng mga nahuling isda ay paghahatian na ng mga tripulante o mga kasama sa pamamalakaya.

Kahit aniya madalas si Jay-Ar sa Barangay Tangos North para alamin sa mga operator ng bangkang pangisda kung saan siya pwedeng sumama sa pamamalakaya ay hindi siya gaanong kilala sa lugar lalu na’t hindi naman siya namamalagi sa bahay ng kinakasama.

Madalas ay inihahatid lamang ni Bibang ang kanilang anak na si Nathan sa bahay nila Jay-Ar sa Bagong Silang Street, Barangay San Jose kapag papasok na siya sa trabaho upang may mag-alaga sa bata.

Noong Disyembre 23, 2019, dalawang araw bago ang pagdiriwang ng araw ng Pasko, nagtungo si Jay-Ar sa Barangay Tangos North dakong alas-11:00 nang tanghali upang magbakasalaki na makahingi ng pamasko sa ilang operator ng malalaking bangkang pangisda na kanyang sinasamahan.

Naglalakad sa maliit na eskinita sa B Cruz Street sa naturang barangay si Jay-Ar nang salubungin siya ni John Rey na armado ng isang kalibre .45 baril at kaagad na pinagbabaril sa bahagi ng katawan.