P2M shabu nakuha sa naarestong akusado sa tangkang pagpatay

Bukod kay John Rey, tumambad din sa pulisya ang mga medium size na plastic sachets at hindi gaanong kala­kihan ang plastic na lalagyan ng yelo na naglalaman ng hindi kaagad nabatid na dami ng hinihinalang shabu.

Nakuha rin nina Col. Balasabas kay John Rey ang isang kalibre .45 baril na hinihinalang kanyang ginamit sa pamamaril kay Jay-Ar at magazine na nag­lalaman ng mga bala.

Kaagad na nagsagawa ng imbentaryo ang kapulisan sa mga nakumpiskang droga kay John Rey sa harap ng ilang opis­yal ng barangay ng Dampalit at lehitimong miyembro ng media at dito natuklasan na umaabot sa 387 gramo ang kabuuang timbang na kanilang nakumpiska sa suspek na may katumbas na halagang P2,631,600.

Dahil sa laki ng halaga ng nakumpiskang iligal na droga kay John Rey, kaagad na ipinabatid ni Col. Ba­lasabas kay Northern Police District Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang matagumpay na operasyon na nagresulta, hindi lamang sa pagkakadakip sa itinuturing na isa sa mga most wanted person ng Navotas city kundi sa pagkakakumpisa na rin ng malaking bulto ng shabu at hindi lisensiyadong baril.

Dinala naman sa Northern Police District Crime La­boratory ang kalibre .45 baril at mga bala upang isailalim sa ballistic at cross matching examination na magagamit ng imbestigador bilang karagdagang ebidensiya sa ihahain nilang kaso laban kay John Rey.

Nang tanungin ni Lt. Bontigao si John Rey kung ano ang kanyang naging motibo kung bakit tinangkang paslangin si Jay-Ar, walang kagatol-gatol na inilahad nito na binaril niya ang biktima upang hindi na pamarisan ng iba pa niyang parokyano.

Ayon kay Lt. Bontigao, inakusahan ni John Rey si Jay-Ar ng pagtangay sa ipinagkatiwala niyang shabu na nakalaan sa kanyang mga parokyano at upang hindi na aniya pamarisan ay tinangka na niyang patayin.

Hindi naman kinagat ng ina ni Jay-Ar at maging ng kanyang tiyahin ang naturang akusasyon ng suspek at sinabing pinaghinalaan aniya ang kanyang anak na siyang may kagagawan ng pagnguso sa mga drug pushers sa Market 3 kaya’t sunod-sunod ang ginawang paglusob dito ng kapulisan, kabilang na ang mga ahente ng PDEA.