Arestado ang isang lalaking­ tulak ng droga habang nakatakas naman ang kasabwat nito sa ikinasang buy-bust operation kung saan nasamsam sa kanila ang mahigit P2 milyong halaga ng shabu at mga bala ng baril na kalibre .45 sa Barangay Pulang Lupa 2, Las Piñas City Sabado ng umaga.

Kinilala ang nasakoteng suspek na si Daniel Fernandez, nasa hustong gulang, at ang nakatakas na kasamahan nito na si Edgardo Enriquez na pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng Special Operations Unit Follow-Up Section ng Las Piñas Police.

Batay sa imbestigasyon, isinagawa ang buy-bust ope­ration bandang alas-9:20 ng umaga sa Rosendo St., Saint Joseph Subdivision kung saan isang pulis ang umaktong buyer sa suspek na si Fernandez.

Matapos magkaabutan ng droga ay dinampot ng mga pulis si Fernandez samantalang nakatakas naman si Enriquez.

Nahulihan sila ng 300 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2 milyon at 50 piraso ng bala ng baril na kalibre .45

Nakakulong na si Fernandez sa Las Piñas Police custodial facility at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Act of 2002 at
Comprehensive Firearms and Ammunition Regu­lation Act. (Vick Aquino)