Dahil sa tindi ng traffic sa South Luzon Expressway (SLEX) sanhi ng ginagawang Skyway extension project, ihihinto na ng UBE Express ang Point to Point (P2P) bus service nito mula sa Ayala South Park at sa Alabang Town Center sa Muntinlupa City simula sa Biyernes, Pebrero 21.
Ang biyahe ng UBE Express P2P bus service ay hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Malaki ang natitipid ng mga sumasakay dito papuntang NAIA dahil sa terminal binababa ang mga pasahero at mas mura nang hindi hamak kaysa sa taxi.
Sabi ng UBE Express, maaari pa namang makasakay ng P2P hanggang NAIA mula sa Starmall, Alabang.
Hindi masabi ng UBE Express kung kailan maibabalik ang P2P nito mula sa Ayala South Park at sa Alabang Town Center.
Pansamantalang pinagbawal muna kasi sa taas ng Skyway dumaan ang mga bus ngayong linggo kaya’t mas malayo na ang iniikot ng mga bus, pati na ang mga P2P. (Eileen Mencias)