P3.4M shabu nasamsam sa senior citizen

shabu

Kulungan ang bagsak ng isang senior citizen matapos makuhanan ng 500 gramo ng shabu na aabot sa P3.4 milyon, sa Makati City Linggo nang umaga.

Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang suspek na si Susan Aglugub alyas ‘Mata’, 60–anyos ng Brgy. Guadalupe Nuevo, na dinakip alas-otso nang umaga matapos ang isinagawang buy-bust.

Nabatid na dati na umanong nakulong ang ‘di pinangalanang mister ni Aglugub at ito umano ang umo-order ng 500 gramo ng shabu mula sa isang Taiwanese supplier habang ang ginang ang nagsisilbing drug courier.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous­ Drug Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek habang tinutugis pa ang mister nito at inaalam na rin ang pagkakaki­lanlan ng sinasabing Taiwanese­ supplier ng iligal na droga.