P30B Build, Build, Build budget tinabi na sa COVID-19

Nilinaw ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na hindi pa nababawasan ang nasa P30 bilyong inilaan para sa mga Build, Build, Build infrastructure project at nakahanda lang ito sakaling kailanganin upang madadagan ang pondong gagamitin sa COVID-19 pandemic.

Subalit tiniyak din ng kalihim sa publiko na ang malawakang inisyatibo sa imprastruktura ng gobyerno ay mabilis na tatapusin kapag naalis na ang Luzon-wide enhanced community quarantine.

Sinabi pa ni Villar na sa Build, Build, Build tuloy-tuloy ang kanilang mga pangunahing proyekto at pagkatapos ng lockdown asahan na mabilis ang konstruksyon at mahahabol naman umano ang kanilang target ngayong taon.

Matapos ang lockdown, sinabi ng kalihim na ang DPWH ay gagawa ng mga alituntunin upang matiyak ang kaligtasan ng mga manggagawa sa konstruksyon sa gitna ng banta ng COVID-19.

Habang may lockdown aniya ay pinaghahandaaan na nila ang pagbabalik ng mga Build, Build, Build project. (Mina Aquino)