Nangako ang ilang international community na magbibigay ng tulong na aabot sa P35.1 bilyon para sa rehabilitasyon ng Marawi.

Ayon sa Department of Finance, uutangin ng pamahalaan ang P32.7 bilyon na mas mababa ang interes at P2.4 bilyon naman ang grant o libreng tulong.

Kabilang sa mga sumuporta para sa Bangon Marawi Comprehensive Rehabilitation and Recovery program ang Asian Development Bank, World bank, International Fund for Agricultural Development, ang China, Japan, at España.

Pinasalamatan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang mga donor sa pledging session sa Davao City kahapon.

Bukod sa tulong ng international community, mangungutang pa ang pamahalaan ng P13.5 bilyon sa pamamagitan ng pag-isyu ng Marawi bonds para sa pagsasaayos ng lungsod.

Ayon sa kalihim, kailangan ng P72.58 bilyon sa loob ng limang taon para muling maibangon ang Marawi.