Buking ang raket ng isang 21-anyos na binata makaraang makumpiskahan ng P325,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation ng pulisya sa Zamboanga City.
Hindi na nakapalag nang posasan ng Zamboanga City police ang suspek na nakilalang si Brandon Lee Rashad Ahmad Lahaman, high school student at residente ng Baliwasan Tabuk, San Jose Gusu, Zambaoanga City.
Sa ulat na mula kay Police Major Helen Galvez, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, nadakip ang suspek dakong alas-3:10 Linggo nang madaling-araw sa JJ Drive, Brgy. San Jose ng nasabing lungsod.
Nabatid na gamit ang P37,000 boodle money ay nakipagtransaksyon ang isang police asset sa suspek at nagkasundo sila na magpalitan ng droga sa nasabing lugar.
Nang magpalitan na ng pera at droga ay dito na dinakip si Lahaman at nakuha pa sa compartment ng motorsiklo nito ang isa pang malaking plastic sachet ng hinihinalang shabu na umabot sa nabanggit na halaga.