Nangangailangan ang gobyerno ng P34 bilyon para sa rehabilitasyon ng mga sumurender na mga drug addict sa bansa at malamang na lolobo pa ang halagang ito kapag nadagdagan pa ang mga susurender sa mga susunod na mga buwan.
Ito ang nabatid kay Ako Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe sa kanyang privilege speech ukol sa magagastos o obligadong gagastusin ng gobyerno para mabago nang tuluyan ang mga sumukong drug addict.
Base, aniya, sa datos ng Philippine National Police (PNP), umaabot sa 600,000 drug addicts ang sumuko mula nang simulan ang Oplan Tokhang hanggang noong Agosto 3, 2016.
Sa bilang na ito, aabot aniya ng P33.9 bilyon para sa kanilang rehabilitasyon ng mga nabanggit na drug addict dahil P8,000 hanggang P10,000 ang singil sa bawat ulo sa mga rehabilitation centers.