Bago pa man ilarga ang P358 billion subway projects ng Duterte administration, pinaiimbestigahan na ito ng isang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso upang matiyak kung tama ang halaga o overpriced.

Sinabi ito ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro matapos malula sa napakalaking halaga na inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) para sa 30 kilometrong subway na magsisimula sa Mindanao Ave., Quezon City hanggang Bonifacio Global City sa Taguig.

“Dapat imbestigahan itong ganitong ka-extravagant na cost (ng proyekto),” ani Castro dahil tumaas ito mula sa P277 billion na halaga ng proyekto na inanunsyo ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade noong nakaraang Abril.

Lumalabas na magkakahalaga ng P12 billion ang bawat kilometro ng nasabing proyekto kaya nais ni Castro na malaman kung tama ba ang halaga na ito o sobrang mahal.

Maliban dito, nagtaka rin ang mambabatas kung bakit pitong taon ito gagawin o mula 2018 hanggang 2025 gayong ang orihinal na plano ay apat na taon lamang o mula 2020 hanggang 2024.

“Masyadong mahal at the expense of social services na mas kailangan ng bayan,” ani Castro. Aniya pa, marami na umano ang mapaggagamitan sa P81 billion na naidagdag na halaga sa nasabing proyekto.