Nilimas ng mga kawatan na hinihinalang miyembro ng Akyat-bahay Gang ang mahigit P3 milyon halaga ng mga alahas, gadget at pera sa mag-asawa noong Sabado nang gabi sa Brgy. Urbiztondo, San Juan, La Union.

Kinilala ni San Juan Police Station (SJPS) officer-in-charge Chief Insp. Bernabe Oribello, ang mag-asawang biktima na sina Charito Real, 79, at Forence Real, 53, kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, ayon kay Oribello, dumaan umano ang mga suspek sa ikatlong palapag ng bahay ng mag-asawa sa pamamagitan ng pagsira sa screen ng kanilang pinto.

Kabilang sa mga nakuha ng mga hindi pa tukoy na bilang ng suspek ang bangle Rolex, anim na set ng south sea pearl, limang set ng white gold, Gucci bangle watch, tseke, cash, at cellphone.

Ayon kay Oribello, patuloy nilang inaalam ang kuha ng CCTV at sa pagdetermina ng Scene of the Crime Operative (SOCO) sa posibleng finger print ng mga suspek.