P4m ecstasy nabungkal sa warehouse

Nakumpiska ang mahigit-kumulang sa apat na milyong pisong halaga ng ecstasy ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa CMEC warehouse sa domestic road sa Pasay City mula Netherlands kahapon.

Idineklarang Gondolier Coffee (Arabica) mula sa nagngangalang Michael Kraats ng Tempelierhof 7,3544 Utrecht Netherland ang nasabing illegal drugs.

Batay kay PDEA inter-agency drug interdection Task Group Commander Gerald Javier, napag-alaman na ang laman ng parcel matapos idaan sa x-ray machine kung saan nakasilid ang higit dalawang libong 2.203 pirasong ecstasy tablet na may street value na aabot sa P3.745.100 milyong piso ang halaga.

Hinuli naman ang isang lalaki na napag-utusan lamang umano, na nakilalang si Rex Andrade ng Quezon City.

Sinabi ni Andrade, na inutusan lamang siya ng consignee na nagngangalang Lady Marielle, ng Green Residences, Taft Ave. Barangay 709, Malate, Manila.
Hinintay naman ng mga tauhan ng PDEA ang tunay na may-ari ng parcel na nag-utos kay Andrade para kunin ang nasabing package na naglalaman ng iligal na droga subalit hindi ito lumutang.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act A9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek. (Armida Rico)