P5-8K cash subsidy sa mahihirap ibigay na – Sotto

Maaari nang simulan ng gobyerno ang pamamahagi ng cash subsidy sa 18 milyong low-income earner ngayong linggong ito matapos aprubahan ng Kongreso ang dagdag na kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte upang tugunan ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon kay Senate President Vicente `Tito’Sotto III.

Sa ilalim ng Republic 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, ang pamilyang Pilipino na mababa ang kita kada buwan ay tatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 buwanang allowance monthly para sa dalawang buwan habang pinapatupad ang enhance community quarantine sa Luzon at iba pang apektadong lugar sa bansa.

“This week ang sabi ko sa kanila umpisahan [ang distribution],” pahayag ni Sotto sa mga reporter.

Sa naturang batas, pinapayagan si Pangulong Duterte na mag-realign ng pondo para sa economic impact ng COVID-19.

Nang tanungin kung kailangan pang magbabalangkas ng Implementing Rules and Regulations para sa naturang batas, sinabi ni Sotto na, “Halos hindi na. Pwede pa rin sila gumawa pero executory na lahat agad after publication.”

Bukod sa ayuda sa mga mga mahihirap na pamilyang Pinoy, makikinabang din ng husto ang mga health care worker sa nasabing batas.

“I expect that the aid, equipment and other resources will fortify the resolve of our health workers both public and private,” ani Sotto. (Dindo Matining)